Thursday, August 31, 2006

KABATAAN: Pag-asa ng Iglesia - Bro. Christian Layante

Sa batayan ng edad, ang tao ay itinuring na kabataan mula sa kanyang pagsilang hanggang sa gulang na tatlumput-lima. Sa ibang pananaw, ang tao ay kabataan hangga't wala pa itong pamilya. Kung susumahin ang dalawa, ang isang tao ay kabataan hangga't siya puno ng kalakasan, kasiglahan, katalinuhan at wala pang pananagutan sa buhay. Kaya marahil nasabi ni Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Sinabi niya ito upang marahil din ay tawagan ng pansin ang mga kabataan sa kanyang panahon at sa mga darating pang panahon at itama ang mga maling nangyayari sa lipunan na kanilang ginagalawan.
Sa panahon ng Lumang Tipan, sa pamamagitan ng mga Mangangaral ay nagpahayag din ng pinakadakilang pagtawag ang Panginoon sa mga kabataan... "Alalahanin mo rin naman ang Maylalang sa iyo sa kaarawan ng iyong kabataan" Ecc.12:1. Bago pa ang pagtawag na ito ay marami nang tao noon na sa kanilang kabataan ay tumugon sa indibidwal na pagtawag sa kanila ng Panginoon.
  • Si David , isang batang pastol na sa kabila ng kanyang murang gulang ay tinulungang ng Dios sa pakikipaglaban upang iligtas ang mga Israelita sa kamay ng mga Filisteo. Di kalaunan ay naging hari siya ng Israel.
  • Si Joseph, dahil sa matibay na pagtitiwala sa Panginoon ay binigyan Siya ng di matawarang kakayahan upang malaman ang kahulugan ng panaginip ng hari. Hinubog siya ng Dios upang maging pinuno sa buong lupain ng Ehipto.
  • Si Moses, sa kabila ng karangyaan ng kanyang buhay bilang prinsipe ng Ehipto ay tinalikuran ito at pinili pa ang siya'y tampalasanin kasama ang bayan ng Dios.
  • Si Sadrach, Mesach at si Abednego naman dahil sa matatag nilang pagsanggalang sa kalooban ng Panginoon ay iniligtas sila sa nagniningas na hurno.
  • Si Daniel, mula sa pagiging bihag ay pinapaging pangulo ng mga taga-pamahala sa lahat na pantas sa bayan ng Babilonia at iniligtas ng Diyos sa mga pangil ng mga leon.

Sa panahong kasalukuyan ay patuloy na tumatawag ang Panginoon sa mga kabataan at ang inaasahan Niya na unang tutugon ay ang mga kabataan ng Iglesia sapagkat tunay na ang mga kabataan ang tanging pag-asa ng Iglesia ng Dios. Mga kabataang tunay na tumanggap sa Panginoon at nabago ang buhay. At mapalad ang mga kabataan sa kasalukuyan sapagkat ang Bibliya ay sagana sa mga halimbawa ng mga taong tapat na naglingkod sa Panginoon. Wala na ring panganib sa buhay ang sinoman na nagnanais na maglingkod. Kailangan lang na mag-kaisa at magpakatibay sa pananampalataya. Maaring makaranas din ng paguusig, ito'y bahagi na ng buhay kristiyano. Ngunit si Apostol Pablo ay nagsabi na anomang pag-uusig at tiniis niya at sa lahat ay iniligtas siya ng Panginoon (2 Tim. 3:11). Sa lahat ng panganib ay ililigtas tayo ng Panginoon.

Sa mga kabataan ng Iglesia ating alalahanin ang pagtawag sa atin ng Panginoon. Sa atin nakasalalay hindi lamang ang ating sariling kaluluwa kundi pati na ang ating mga mahal sa buhay at ang kaluluwa ng mga taong nakakasalamuha natin sa araw-araw.