Monday, April 30, 2007

CHRISTIAN YOUTH CAMP MEETING (April 4-8, 2007)

Theme: “Ang Kabataang Kristiano Ang Pag-asa ng Iglesia ng Diyos.”

Nagagalak ang aking puso na maiulat ang matagumpay na gawain ng Panginoon, ang “pulong kabataan” na naganap noong ikaapat hanggang ika-walong araw ng buwang Abril sa Lubas, La Trinidad, Benguet, Baguio na dinaluhan ng dalawampu’t dalawang mga kapatid, karamiha’y mga kabataan na nagmula pa sa iba’t – ibang kongregasyon.

Abril 3, Martes ng hapon, ng kami ay lumisan sa Paniqui patungong Baguio. Limang mga kabataan ang aking nakasama sa paglalakbay. Apat na oras ang byahe. Oo, may katagalan ngunit hindi ko naramdaman ang pagkabagot kundi bagkus, ako’y labis na nasiyahan sa pagtingin ng mga magagandang tanawin. Sa ganitong pagkakataon ay nadarama ko ang kalapitan ng Diyos. Purihin ang Kanyang Dakilang Pangalan!

Alas- singko na ng hapon nang kami’y nakarating. Kami ay sumakay ng pampasaherong dyip patugo sa aming destinasyon. Mataas ang lugar ng Lubas. Ako ay hanga sa makina ng sasakyan at galing ng driver sapagkat ito ay nangangailangan ng ibayong pag-iingat upang makarating sa paroroonan ng matiwasay. Salamat sa Diyos sa Kanyang pag-iingat.

Sa aming pagdating, ang malamig at malinis na samyo ng hangin ang unang sumalubong. Kung ikukumpara, ang klima ay malayong- malayo sa ibaba. Mula sa kinatitirikang lugar ng bahay panambahan, isang napakagandang tanawin ang iyong makikita. Ito ay napapaligiran ng mga bundok. Ang mga bahay na nagliliwanag ay tila mga maririkit na bituin sa gabi. Aming nadatnan sina Bro. Melton Ladiocan at Bro. Philip Cesar Obena na abala sa paggawa ng silid- palikuran. Kami ay nahamon sa kanilang kasipagan at pagmamahal sa gawain ng Panginoon. Dahil sa panalangin at maayos na pakikipag-usap ng mga kapatid sa punong- guro ng Mataas na Paaralan ng Lubas, kami’y pinayagan na doon ganapin ang pag-aaral sa loob ng limang araw. May mga upuan at pisara ng nakahanda. Napakabuti ng Panginoon. Narito ang mga detalye sa naganap na pulong kabataan:

April 4, Myerkules:

Dahil sa malamig na klima, naging mahimbing ang aming tulog. Kami’y nagising ng alas- singko ng umaga na siya namang pagdating nina Bro. Jet Batalla at anim na kabataang galing sa Metro Manila. Sila ay sina Bro.Ariel Zonio at Sis. Emily Mendoza mula sa Bicutan, Sis. Racquel Ricamara, Sis. Mylen Quirino, Sis. Jane Anne at ang kanyang butihing asawa na si Bro. Almar Joe Barrido na nagmula naman sa Quezon City.
Aming pinasimulan ang araw na ito sa pamamagitan ng pag-awit ng mga papuring awit at panalangin. Tunay na isang kagalakan at kalakasan sa isang Kristiano na mapasalamatan at mapapurihan ang Diyos sa sandaling maimulat natin ang ating mga mata sa pagharap ng bagong umaga na Kanyang ipinagkaloob. Pagkatapos nito, kami ay tulong- tulong na nagluto at naghanda ng almusal. Ang mga iba nama’y naglinis at nagayos ng paligid. Napakatamis ng pagkakapatiran. Matapos makapag-gayak, kami na ay nagtungo sa paaralan kung saan doon ginanap ang pag-aaral. Bago nagumpisa ang lecture, kami muna ay umawit. Ang lahat ay masaya, bawat isa’y may ngiti sa labi. Sa unang bahagi, si Bro. Manny Yangco ang tumayo at nagturo tungkol sa Pagpapakabanal. Ito ay kanyang naipaliwanag na mabuti sa tulong ng Panginoon. Kinahapunan, ipinagpatuloy namin ang pag-aaral. Ipinaliwanag sa amin ni Bro. Antonio Domrique ang Kasaysayan ng Iglesia at ang tungkol sa Pagtaliwakas. Kami ay naliwanagan at lubos na napagpala. Makalipas ang ilang minutong pahinga, si Bro. Jet Batalla naman ang nagturo.


April 5, Huwebes:

Tulad ng unang araw, kami ay gumising ng maaga upang magtipon para sa morning devotion. Ang pag-awit ay pinangunahan ni Sis. Aiza Canlas. Si Bro. Melton naman ang nagbigay ng mensahe. Kanya kaming hinamon na lalo pang maging malapit sa Panginoon at maging masipag sa gawain upang marami pang kalululwa ang maligtas.

Pagkatapos magturo ni Bro. Manny, nagkaroon ng Bible activities. Apat na grupo ang binuo na naglaban- laban. Ang ika-apat na grupo ang nanalo sa Bible Drill at Bible Hunt. Ang aming grupo naman ang nagwagi sa Bible Quiz, Pantomime at Bible Memory Verse. Sa pagganap namin nito, dama namin sa aming mga puso ang lubos na kasiyahan. Ang lahat ay aktibo sa pagsagot. Purihin ang Panginoon sa munting talino na Kaniyang ibinigay. Kinahapunan, ipinagpatuloy namin ang pag-aaral.
Nagkaroon ng evangelistic service sa gabi. Sa kabila ng ginaw na aming nararamdaman, naging mainit pa rin ang gawain. Si Bro. Rudy delos Reyes ang nangaral ng Salita ng Diyos. Tatlong mahahalagang kaluluwa ang nagtamo ng kaligtasan at isa naming kapatid ang naghandog ng kanyang buhay.


April 6, Byernes:

Salamat sa Panginoon sa panibagong araw na Kanyang ipinagkaloob upang ito’y maipaglingkod sa Kanya. Malamig ang klima lalo na sa umaga kaya’t halos lahat ay nakabalot ng kanya- kanyang jacket at medyas. Pati ang tubig ay napakalamig, parang may halong yelo. Ika nga, “pabilisan ng ligo”. Si Sis. Racquel ang nanguna sa pag-awit. Si Sis. Jane Anne naman ang nangaral sa aming morning devotion.
Kinahapunan, bandang ala-una, aming ginanap ang pag-alala sa Pitong Huling Wika ng Panginoong HesuKristo ng Siya’y nakabayubay sa Krus ng Kalbaryo. Si Bro. Philip ang nagbigay ng mensahe tungkol sa Wika ng Pagpapatawad. Ang Wika ng Pag-asa ay ipinaliwanag naman ni Bro. Andres, ang iyong lingkod ay sa Wika ng Kaaliwan, Bro. Lemuel sa Wika ng Kalungkutan, Sis. Jane Anne sa Wika ng Kaganapan, Bro. Stevenson sa Wika ng Kauhawan at ang panghuli’y ang Wika ng Pagtatalaga na tinalakay ni Bro. Ariel. Naghandog ng awitin ang ibang mga kapatid sa pagitan ng pagpapaliwanag. Isa na rito si Sis. Mary Jean Ordonio mula sa kongregasyon ng Balaoang. Siya ay binigyan ng Panginoon ng talento sa pag-awit. Kami ay napagpala sa kanyang mga awit. Pagkatapos nito ay pinangunahan ni Bro. Arnold Chichoco ang lecture patungkol sa Kristianong Pamantayan ng Panliligaw at Pag-aasawa. Sa gabi ay nagkaroon ng patimpalak sa pagkanta. Kami’y bumuo ng isang bilog na pinalilibutan ang apoy sa gitna na nagsisilbing aming ilaw at umibsan sa ginaw na aming nararamdaman. Pito kaming mga kabataan ang lumahok. Ayon sa mga hurado, sila ay nahirapan sa pagpili sapagkat ang lahat ay pawang magagaling. Sa bandang huli, ang inyong lingkod ang itinanghal na nagwagi. Sa Diyos ang papuri. Natapos ang gabing ito na punong –puno ng mga pagpapalang espiritwal.

April 7, Sabado:

Kami man ay puyat, masigla pa rin kaming bumangon upang unahin ang Panginoon. Sa pagkakataong ito, si Sis. Aiza Canlas ang nagbigay ng mensahe. Pagkatapos nito, kami na’y naghanda na para sa mahaba- habang paglalakad o “hiking” kung tawagin. Bitbit ang mga “The Way Of Truth” magazines na aming ipinamigay sa aming mga nakasalubong sa daan, masigla naming nilisan ang lugar sa oras na 6:15. Nabusog ang aming mata sa magandang kapaligiran. Idagdag pa ang malamig na klima kaya’t hindi namin ramdam ang pagod. Umabot din sa kalahating oras ang aming paglakad. Pagdating sa aming destinasyon, isang matinding paghanga ang aming nadama. Halos iyong tanaw ang buong Baguio. Purihin ang Panginoon sa Kanyang Kadakilaan. Umuwi kaming damang- dama ang kalapitan at pag-ibig ng Diyos. Kinahapunan, tatlong grupo ang nagpamalas ng dula kaugnay sa tema. Ang ika-apat na grupo ang nagwagi. Sa kanilang dula, isinaysay nila ang kanilang sari-sariling mga buhay. Si Bro. Lemuel ang napiling Best Actor at Best Actress naman si Sis. Aiza. Ang bawat isa ay labis na naaliw at napagpala.

Matapos naming pagsaluhan ang masarap na hapunan, kami’y nagtipon para sa isang campfire. Ang lahat ay nabigyan ng pagkakataong makapagpatotoo. Narinig namin ang mga hamon n gaming mga nagging guro. Bawat isa sa amin ay kumuha ng bagay na sumisimbolo n gaming kahinaan. Ito ay aming tinapon sa apoy at pinasunog sa Panginoon. Aming inalala ang aming mga pangako sa Kanya. Halos ayaw na naming matapos ang gabing ito. Dala- dala namin sa aming mga puso ang kagalakan hanggang sa aming paghimlay.

April 8, Linggo:

Ito ang araw ng aming pagtatapos. Si Bro. Arnold Ordonio ang itinayo ng Panginoon bilang mensahero. Ang Banal na Espiritu Santo ang gumawa sa aming kalagitnaan. Ang bawat isa’y idinulog ang sarili sa Panginoon. Alam kong ang lahat ay nagtamo ng tagumpay. Bagamat may kalungkutan pagkat kami na ay maghihiwalay, nangingibabaw pa rin sa aming mga puso ang kagalakan sapagkat taglay namin ang ibayong lakas at tibay ng aming pananampalataya. Kanya kaming sinamahan at lubos na pinagpala sa buong panahon ng Youth Camp. Sa Diyos ang Mataas na Papuri! Amen.
(Si Sis. Anna Luisa Delos Reyes ng Nipaco, PAniqui, Tarlac ang nagulat sa gawaing ito ng mga kabataan. For more pictures visit this web site; http://picasaweb.google.com/jetbat

Tuesday, April 17, 2007

1ST CHRISTIAN YOUTH CAMP MEETING (April 4-8, 2007)






The 1st Christian Youth Camp Meeting was held in Lubas, La Trinidad, Benguet. For more pictures; http://picasaweb.google.com/jetbat