Wednesday, February 07, 2007

The Distress Of A Backslider - by Sis. Jane Anne

Umaga na naman... umpisa na naman ng panibagong araw. Kahit inaantok pa ako, kailangan ko nang bumangon. Paano kasi, mahuhuli ako sa trabaho. Malayo pa ang byahe ko. Mahirap pang sumakay. Nasaan na ba ang tuwalya ko? Dapat na akong maligo, magsipilyo at magbihis. Kung minsan ay hindi na ako makakain dahil sa pagmamadali. Makikipaghabulan na naman ako sa oras.

Ilang minuto na lang, alas otso na. Nandito pa ako sa jeep. Tensiyunado na naman ako kasi baka hanapin ako ng boss ko habang wala pa ako. Sana hindi niya ako tawagin.

Kailangan kong magmadali sa paglalakad at pagpasok sa silid ng opisina. Hinihingal na naman ako pagdating sa mesa ko.

Ano na nga ba ang uumpisahan ko? Ganito naman araw-araw ang trabaho ko, bakit ba nagtatanong pa ako. Ang magtrabaho sa maghapon at mapagpanggap na ngiti ang laging gawain ko. Pero syempre kailangan kong mag-break paminsan-minsan para sagutin ang text ng minamahal ko. Susunduin niya daw ako mamaya at kakain kami sa labas kasama ng aming mga kaibigan. Siya na lang ang kasiyahan ko. Masaya kasi ang may nagmamahal.

Alas singko na. Araw-araw ay ito ang aking hinihintay. Sa wakas, tapos na naman ang oras ng trabaho. Maghahanda na ako para sa pag-uwi. Makakasama ko na ang aking mahal at ang aming mga kaibigan.

Masarap makipagkuwentuhan at makipagtawanan sa mga kaibigan. Kahit kababawan lang ang paksa ay ibayong halakhakan. Masaya kasi ang maraming kaibigan.

Pagkatapos ng isang masayang hapunan, kailangan ko nang umuwi. Malalim na kasi ang gabi. Baka nag-aalala na ang mga mahal ko sa buhay. Isang mahabang byahe na naman ang aking lalakbayin pauwi sa aming bahay.

Pagdating ko sa bahay, tulog na ang lahat. Pero ang itinirang pagkain para sa akin ay nasa ibabaw pa ng mesa. Pagod na ako. Matutulog na ako kasi maaga pa ako bukas. May pasok na naman ako.

Araw-araw na ganito ang litaniya ng buhay ko. Ilang taon na ba akong ganito? Ahh... matagal na rin pala. Nakakasawa na. Mayroon na ba akong naipon sa bangko? Wala pa rin pala. Kailan ko ba maba-budget ang oras ko? Palagi na lang akong nakikipaghabulan dito. Masaya nga ba ang may minamahal at may nagmamahal? Bakit umiiyak pa rin ako sa gabi bago matulog? Masarap nga ba ang marami ang kaibigan? Bakit pakiramdam ko ay nag-iisa pa rin ako? Bakit naaawa ako sa sarili ko at may di kawasang takot sa pagkatao ko? Bakit ba ang dami kong "bakit" e alam ko naman ang sagot.

Kailan ba ako huling nanalangin? Hindi ko na maalala. Ayaw kong pag-usapan ang tungkol sa Biblia kasi makikita ko lang ang sarili ko. Tinatanggihan ko Siya dahil hindi pa ako handang sumunod sa kalooban Niya. Kailan ba ako magiging handa? Hirap na hirap na ako at nabibigatan pero bakit ito pa rin ang pinipili kong buhay?

No comments: