Monday, September 04, 2006

KUMUSTA NA, KABATAAN? - Sis. Imee Cuadra

Maraming pagbabagong idinudulot ang panahon ngayon para sa ating mga kabataan. marami na rin ang nakakalimot sa kasabihan na iniwan ng ating dakilang bayani na si "Gat. Jose Rizal" na "Ang mga kabataan ang siyang pag-asa ng bayan". Maliban diyan ipinagwalang bahala na rin nila ang payo sa mga kabataan na gaya ng nasusulat sa Ecclesiastes 12:1.

Di mo ba napapansin na dahil sa mabilisang takbo ng buhay sa ating kapaligiran gaya ng makabagong pamamaraan ng pamumuhay, ang pabuti ng pabuting teknolohiya, ang mga kayamanan ng sanlibutan, ang kalayawan o ano pa mang iba't ibang dulot ng mga pita ng mga mata, laman at kapalaluan sa buhay kung kaya't nakakaligtaan ng mga kabataan na paglingkuran ang Diyos sa kanilang buhay?

Ang pagiging isang kabataan ay isang magandang pagkakataon upang tayo ay makatulong at makagawa para sa ating Panginoon. Sapagkat taglay natin ang kalakasan, katalinuhan, tibay ng loob, talento para makagawa sa Kanya. Madalas nating naririnig at nakikita sa iba na ang pagiging kabataan ang panahon upang magpakalakas, magpakaliwaliw o maglakbay at tumuklas ng mga bagay para lamang sa sariling kapakanan na siyang nagdudulot ng mga masasamang pangyayari sa kapaligiran na sa kabilang banda ay nilalason nito ang mga murang isip ng mga kabataan dala ng hila ng sanlibutan.

Sa panahong mapanganib na 'to di nila namamalayan ang dala ng mga makabagong teknolohiya. Teknolohiya na sana'y inaasahang magbibigay ng mabuting dulot ngunit sa kabilang dako pala'y panirang pamuksa upang matuon ang pananaw ng mga kabataan sa bagay na yon. Kabi-kabilaan, nakikita natin ang mundo'y pasama ng pasama bunga ng katampalasanang ginagawa ng mga tao na di kayang kontrolin ng mga nasasakupan nito. Nadarama na natin ang masamang dulot nito ang kadustaan na bumubunga ng kaguluhan, krimen, pag-away-away, kapighatian, poot at kalungkutan.

Kabataan, panahon na upang ating pagbulay-bulayan sa ating mga sarili ang muling pagbangon sa dangal na nais ng ating Panginoon sa atin. Panahon na upang ipaalam sa iba na ang Diyos ang pag-asa ng bawat isa upang makabangon sa pagkalubalob sa putikan na dala ng kasalanan.

Bigyang pansin ang iniwan sa ating halimbawa ng Propeta Isaias na nagwika, "Narito ako, suguin mo ako" na makapaglingkod ng matatag. Tiyakin natin na tayo'y inaring-ganap, napabanal, may layunin na makapunta sa langit, masunurin, may pusong mapagpasalamat, at may dakilang pag-ibig sa Diyos.

No comments: